Sacred Heart College, Lucena City
Sacred Heart College, Lucena City
Sacred Heart College, Lucena City

Talentong Kordiano, humataw sa Onlayn na Selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa

Muling nasaksihan ang iba’t ibang talento ng mga mag-aaral na Kordiano ng Departamento ng Lalong Mataaas na Edukasyon sa onlayn na pagdiriwang nito ng Buwan ng Wikang Pambansa. Ito ay nasaksihan ng lahat noong umaga ng ika-30 ng Agosto, 2020 gamit ang FB page ng SHC-HED Student Executive Council. Ang samahan ng Tanglaw ng Bayan katuwang ang mga opisyal ng Student Executive Council at ang mga tagapayo ang nagsilbing daan upang maipamalas ang kamalayan at talento ng mag-aaral sa pamamagitan ng mga patimpalak na nahahati sa dalawang bahagi: patayo at paupong paligsahan. Ito ay ang Karatulastasan, Digital na paggawa ng poster, Spoken Word Poetry, Sanaysay, Solong pag-awit at Tiktok Dance Challenge.

Ang mga paligsahan ay nilahukan ng mga mag-aaral mula sa sampung kolehiyo na nakatuon sa tema ng pagdiriwang ngayong taon na “Wika ng Kasaysayan, Kasaysayan ng Wika: Ang mga Katutubong Wika sa maka-Filipinong Bayanihan Kontra Pandemya”. Isinama rin sa tema ng pagdiriwang ang pagharap ng inang paaralan sa hamon ng pandemya at Bagong Normal.

Nagbigay ng mensahe ang tagapayo ng TNB na si Doktor Helen E. Tolete. Nabanggit niya sa kanyang mensahe na “ang kinaharap ng wikang pambansa ay maihahalintulad din sa naging danas ng inang paaralan. Sinubok at dumaan sa iba’t ibang hampas ng alon. May mahina, may malakas at kung minsan ay may kasamang bagyo. Pero nanatiling matibay ang inang paaralan at patuloy pa ring naglalayag upang magampanan ang tungkuling maglingkod sa lahat ng nangangailangan”.

Naipakita sa birtwal na selebrasyon ang pagkamaparaan at pagkamalikhain ng bawat Kordiano sa panahon ng pandemyang ating kinakaharap. Hindi naging hadlang ang kasalukuyang sitwasyon upang makisangkot sa mga gawain. Naipadama ng bawat isa kung gaano kaalab ang pagmamahal sa sariling wika.

Ang mga naging hurado para sa patimpalak sa paupong paligsahan ay sina G. Andrian M. Reglos, Bb. Jessa P. Pastorfide, Bb. Aireen Alvarico, Bb. April Joy Barza, G. Earl Gicana, at Bb. Shiela Mae Alcantara. Nagwagi para sa paupong paligasahan sa larangan ng sanaysay sina Ghena Caira Obnial ng B.S. Pharmacy 1 na nakasungkit ng ika-3 pwesto, si Mary Shaira Gequinto ng AB Communication 1 naman ang nakakuha ng ika-2 pwesto at si Elaine Kaye Luna naman ng B.S. Psychology 1 ang nanalo para sa unang pwesto. Para sa paligsahan ng karatulastasan, nanalo si Ila Glorianne Quincina ng B.S. Nursing 1 ng ika-3 pwesto, nakamit ni Alexeis Jandell Naynes ng B.S Psychology 1 ang ika-2 pwesto at si Paula Julienne P. Glodoveza naman ng B.S. Education 3 ang tinanghal sa unang pwesto. Para sa digital na pagawa ng poster, nanalo si Jessie Silang ng B.S. Nursing 1 para sa ika-3 pwesto, si Edgardo Bautista ng B.S. Education 2 ang nagwagi ng ika-2 pwesto at si Ma. Alexi Ysabelle Licot naman ng B.S. Pharmacy 1 ang hinirang sa unang pwesto.

Ang mga naging hurado naman para sa patimpalak ng patayong paligsahan ay sina G. Eduard D. Mancilla, G. Marlon B. Rosales at G. Erwin E. Santos. Nagwagi para sa patayong paligsahan sa larangan ng spoken word poetry si Christine Joy Mascarado ng B.S. Pharmacy 1 ng ika-3 pwesto, si Nieramae Abulencia ng B.S. Psychology 3 ang nakasungkit ng ika-2 pwesto at si Janine Slave Bordeos ng B.S. Pharmacy ang nagwagi ng unang pwesto. Para sa Tiktok Dance Challenge, nagwagi si Chariz Kaye Gamitin ng B.S. Nursing 1 ng ika-3 pwesto, si Dessa Marie Aurin ng B.S. Education 1 ang nanalo ng ika-2 pwesto at si Zhane Cuenco ng B.S. Accountacy 3 ang tinanghal sa unang pwesto. At sa huling paligsahan sa patimpalak sa solong pag-awit, nakamit ni Jaira Gliane ng B.S. Accountancy 3 ang ika-3 pwesto, si Maria Ysabelle Funda ng B.S. Management Accounting 3 ang nanalo ng ika-2 pwesto at si Kodje Avi Valdujueza ng B.S. Psychology 1 ang nagkamit ng unang pwesto.

Pinasalamatan ni G. Rey C. Rodil, Direktor ng Gawaing Pangmag-aaral, Pagpapaunlad at Pandisiplina ang lahat ng naging kalahok sa lahat ng patimpalak. Gayundin, pinasalamatan niya ang promotion team na bumuo ng produksyon, mga lider mag-aaral, administrador ng paaralan at ang samahan ng Tanglaw ng Bayan sa pangunguna ng pangulo nitong si Bb. Mary Rose Orlanda.